Arnel Aquino, SJ
Sa mahinahong paalam ng araw,
Sa pag-ihip ng hanging kahapunan,
Balabal ko'y init ng 'yong pag-ibig
Sa dapit-hapong kay lamig.
Mga bituin kay agang magsigising.
Umaandap, mapaglaro man din.
Iyong ngiti'y hatid nila sa akin
Sa diwa ko't panalangin.
Puso ko'y pahimlayin Inay, upang yaring hamog
Ng gabing tiwasay,
Ay madama ko bilang damping halik ng 'yong Anak.
Ay! Irog kong Inay.
Sa palad niyo itago aking palad.
Aking bakas sa inyong bakas ilapat.
At iuwi sa tahanan kong dapat
Sa piling ng inyong Anak.
Puso ko'y pahimlayin Inay
Upang yaring hamog
Ng gabing tiwasay
Ay madama ko bilang damping
Halik ng 'yong anak,
Ay! Irog ko, O Ina kong mahal.
Ay! Irog kong Inay.
Inang Mahal
Rene San Andres
Inang mahal, Mariang Ina sa kandungan mo'y nahimlay
Ang sanggol mong aming buhay.
Pakinggan mo at ihatid aming mga panalangin
Kay Hesus na kaligtasan namin.
Koro:
Pag-ibig mo, Inang kay tamis,
Ipadama mo sa aming tumatangis.
Turuan mo kaming magmahal
Kay Hesus, aming Tagapagligtas.
Inang mahal,
Huwaran ka ng pagsisilbi sa Diyos
Sa pag-akap mo kay Hesus.
Pakinggan mo, ang panalangin naming matularan ka
Sa tindi ng pag-ibig mo sa Kanya.
Inang mahal, Mariang Ina sa kandungan mo'y nahimlay
Ang sanggol mong aming buhay.
Pakinggan mo at ihatid aming mga panalangin
Kay Hesus na kaligtasan namin.
Koro:
Pag-ibig mo, Inang kay tamis,
Ipadama mo sa aming tumatangis.
Turuan mo kaming magmahal
Kay Hesus, aming Tagapagligtas.
Inang mahal,
Huwaran ka ng pagsisilbi sa Diyos
Sa pag-akap mo kay Hesus.
Pakinggan mo, ang panalangin naming matularan ka
Sa tindi ng pag-ibig mo sa Kanya.
Subscribe to:
Comments (Atom)