Magpasalamat Kayo sa Panginoon

Fruto Ramirez, SJ

Magpasalamat kayo sa Panginoon,
Na S'yang lumikha ng lahat ng bagay dito sa mundo.
Siya’y gumawa ng buwan at mga bituin.
Upang magbigay ng liwanag sa pagsapit ng dilim.

Koro:
O magpasalamat sa kanyang mga biyaya at awa.
O ating purihin ang Poon na mahabagin sa atin.

Magpasalamat kayo sa Panginoon
Dahil sa kagandahang-loob Niya’y magpakailanman,
At papurihan ang D'yos habambuhay,
Na S'yang nagligtas sa Kanyang hinirang bayang Israel.
O ating purihan ang Poon na mahabagin sa atin.

Koda:
O magpasalamat sa Kanyang mga biyaya at awa.
At ating purihin ang Poon na mahabagin sa atin.
O magpasalamat sa Kanyang mga biyaya at awa.

Liwanag ng aming Puso

Luis Antonio Cardinal Tagle - Eddie Hontiveros, SJ

Liwanag ng aming puso, sa ami'y manahan Ka.
Ang init ng ‘Yong biyaya, sa ami'y ipadama.
Patnubay ng mahihirap, O aming pag-asa't gabay.
Sa aming saya at hapis, tanglaw Kang kaaya-aya.

Liwanag ng kaaliwan, sa ami'y dumalaw Ka.
Kalinga Mo ang takbuhan noong unang-una pa.
Pawiin ang aming pagod, ang pasani'y pagaanin.
Minamahal kong kandungan, sa hapis kami hanguin.

Liwanag ng kabanalan, sa ami'y mamuhay Ka.
Ang ningas ng ‘yong pag-ibig, ang s'yang magsilbing gabay.
Pag nalayo ka sa amin, ang tao'y walang halaga.
Di namin makakayanang hanguin ang kaluluwa.

Liwanag ng bagong buhay, sa ami'y umakay Ka.
Linisin ang aming sugat, ang diwa'y bigyang-sigla.
Akitin mo ang palalo, damayan ang naliligaw.
Ituro mo ang landasin, patungo sa aming tanglaw.

Liwanag ng aming puso, sa ami'y manahan Ka.
Idulot Mo po sa amin, kapayapaang wagas.
Ang ‘Yong gantimpala't mana, pangako Mong kasarinlan.
Ang bunga ng pagkandili: ligaya magpakailanman.

Previous Posts

Posts in our Archive